CAUAYAN CITY – Patuloy na namamahagi ng libreng gamot ang City Veterinary Office sa lahat ng mga may alagang hayop sa lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinary Officer ng Lungsod ng Cauayan, sinabi niya na trangkaso ang kadalasang sakit na naitatala ngayon sa mga large animals tulad ng baka at kalabaw.
Nakahanda anya ang mga gamot na kanilang ipinapamahagi maging ang mga technician at veterinarians na aasiste sa may alagang hayop na nagkakasakit.
Wala naman umanong dapat ikabahala sa trangkaso dahil hindi naman ito nakamamatay ngunit makatutulong umano ang mga ipinamamahaging gamot upang mapadali ang paggaling ng mga ito.
May mga pagkakataon naman aniya na nauubusan din sila ng suplay dahil sa dami ng mga humihingi kaya kinakailangan nilang maghintay ng ilang araw para magkaroon muli ng suplay ng gamot.
Maliban dito ay tuloy tuloy din ang pagbibigay ng libreng anti-rabies vaccine sa mga aso at gamot para sa mga baboy para maiwasan na sila ay madapuan ng sakit.
Nilinaw naman niya na libre ang mga ipinapamahaging gamot ng kanilang tanggapan kaya naman inaabisuhan ang lahat na agad ipaalam sa City Veterinary Office kung mayroong mga kawani ng tanggapan na nagbebenta o naniningil ng bayad sa gamot.