Nakatakdang magsagawa ng Free Theoretical Driving Course (TDC) ang Land Transportation Office (LTO) Cauayan sa Brgy. Diamantina, Cabatuan, Isabela sa darating na Nobyembre 15, 2025, ganap na alas-8:00 ng umaga.
Ayon kay Deo Salud, hepe ng LTO Cauayan, kabilang sa mga tatalakayin sa nasabing aktibidad ang tamang paghawak at paggamit ng motorsiklo, pati na rin ang mga pangunahing batas trapiko na dapat sundin ng mga motorista. Bukas ang programa sa lahat ng mamamayan na nasa edad 16 pataas.
Pagkatapos ng lecture, magkakaroon din ng examination bilang bahagi ng proseso ng pagkuha ng TDC, na kinakailangan bago makakuha ng student permit.
Layunin ng aktibidad na mailapit ang serbisyo ng LTO sa mga mamamayan upang hindi na sila mahirapan pang bumiyahe papunta sa tanggapan ng ahensya para magpatala o magproseso ng dokumento.
Bukod dito, mamamahagi rin ng libreng plaka ang LTO Cauayan para sa mga motoristang dadalo sa aktibidad.
Nananawagan si Salud sa lahat ng residente ng Cabatuan at mga karatig-munisipalidad na samantalahin ang pagkakataon at dumalo sa nasabing programa upang makakuha ng libreng kaalaman at serbisyo mula sa kanilang tanggapan.










