CAUAYAN CITY – Umaabot sa P/100,000.00 na halaga ng cash, alahas, gadget at iba pa ang natangay ng 4 lalaki na nanloob sa bahay ng mag-asawang Overseas Filipino Workers (Ofw’s) sa San Manuel, Echague, Isabela.
Ang mag-asawang Rosito at Nancy Castillejo ay maraming taon na nagtrabaho sa Taiwan at umuwi lamang sila noong October 10, 2017.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Nancy Castillejo na dakong alas onse kagabi nang lumabas ang kanyang mister dahil sa kaluskos ngunit nakita niyang pinalo ng baril ang kanyang tatay.
Dumaan ang 2 suspek sa taas ng ipinagagawa nilang bahay, pagkatapos ay bumaba at binuksan ang pintuan para makapasok ang kanyang isang kasama habang nagsilbing lookout ang dalawa.
Sinabi ni Gng. Castillejo na matapos paluin ng baril ang kanyang biyenan ay kinaladkad ang kanyang mister patungo sa kanilang kuwarto kung saan hinalughog at nilimas ang magustuhan nilang kunin kasama ang dalawang pares ng sapatos.
Kabilang din sa kanilang tinangay ang ilang alahas, 3 cellphone, cash, dollars at pitaka na naglalaman ng ilang mahalaga nilang dokumento tulad ng ID, ATM at resibo.
Tinakpan ng mga pinaghihinalaan ang kanilang mukha ng damit na ginawang talukbong.
Bago umalis ang mga suspek sakay ng motorsiklo ay inutusan ang mga biktima na pumunta sila sa ilalim ng kama.
Agad silang nagpatulong sa kanilang mga kamag-anak na siyang tumawag sa himpilan ng pulisya.
Tumugon ang mga kasapi ng Echague Police Station ngunit bigo sila na mahuli ang mga suspek.




