--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang pamunuan ng kagawaran ng Pagsasaka o DA Isabela sa mga magsasaka na bago tumama ang bagyong Ompong ay anihin na ang mga tanim na palay at mais na puwede nang anihin para mapakinabangan pa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Agriculturist Angelo Naui malaki ang lugar sa Isabela na nataniman ng palay na umaabot sa 141,699 hectares.

Sa nasabing lawak ay 4,000 hectares ang nasa seedling stage, 37,000 hectares ang nasa vegetative stage, 78,000 ang nasa reroductive stage at 21,000 hectares ang nasa maturity stage.

Ayon kay Ginoong Naui, nangangamba si Governor Bojie Dy na malaki ang pinsalang idudulot sa mga tanim na mais at palay kapag malakas ang hangin at ulan na dala ng bagyong Ompong kaya nananawagan sila sa mga magsasaka na anihin na ang mga tanim na puwede nang anihin.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Naui, madali na lang anihin ang mga palayan dahil sa mechanical harvesters at bumibili ang mga traders ng sariwang palay at mais.

Nanawagan din siya sa mga residente na may alagang baka at kalabaw na ilikas na ligtas na lugar ang mga alagang hayop na ipinapastol malapit sa mga ilog at sapa.