
CAUAYAN CITY – Umabot na sa sampong libong ektarya ng mga pananim na mais ang naapektuhan ng tagtuyot sa Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na ang naapektuhan ng tagtuyot ay ang mga nagtanim ng kanilang mga mais noong buwan ng Pebrero.
Sinabi nito na walong libong magsasaka ang naapektuhan ng tagtuyot na karamihan ay sa Isabela at apat na libo lamang ang nabigyan ng tulong.
Aniya, sinulatan niya ang apat na gobernador ng mga lalawigan sa rehiyon dos upang humingi ng tulong para sa mga naapektuhang magsasaka ng mais at laking pasasalamat niya dahil tumugon si Punong Lalawigan Rodito Albano ng Isabela.
Aniya, naglaan ng sampong milyong piso si Governor Albano para itulong sa mga magsasaka ng mais habang hinihintay pa niya ang desisyon ng iba pang gobernador.










