CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya at mga tagasuporta kasabay ng paghahatid sa huling hantungan kahapon sa bangkay ni dating Board Member Napoleon “Nap” Hernandez na binaril at pinatay noong gabi ng July 01, 2019 habang binabagtas ng kanyang minamanehong kotse ang kahabaan ng daan sa Dagupan, San Mateo, Isabela.
Dakong alas otso umaga kahapon nang dalhin sa Roman Catholic Church sa Barangay 1 ang bangkay ng dating SP Member at sa burial mass ay naging emosyonal ang kanyang mga naulilang pamilya.
Nagsalita ang kanyang maybahay na si Ginang Placida Hernandez at isinalaysay ang mga pangyayari bago ang pamamaril sa kanyang mister.
Magkasama ang mag-asawa sa kotse nang mangyari ang pamamaril.
Nagpasalamat si Gng. Hernandez sa pagbuhos ng pakikiramay at suporta sa kanila.
Matapos ang burial mass ay isinagawa ang funeral march mula sa simbahan hanggang sa public cemetery sa Sinamar Norte, San Mateo, Isabela at alas dose ng tanghali ay inilibing na ang labi ni dating LMB Federation President Nap Hernandez.
Libu-libong kamag-anak, kaibigan, mga pinuno at kawani ng pamahalaan at mga mamamayan mula sa ibat ibang barangay ng San Mateo ang nakilibing.
Samantala, dumagsa ang mga mamamayan sa huling gabi ng lamay ni Hernandez sa Gov. Faustino N. Dy Multi-Purpose Center.
Kabilang sa mga nakiramay sa huling gabi ng burol ni Hernandez ay sina Congressman Faustino “Inno” Dy IV, mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Echague, pamahalaang Lunsod ng Santiago at pamahalaang panlalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dating Vice Mayor Eduardo Fermin, barangay kapitan ngayon Salinungan West, San Mateo, Isabela, sinabi niya na marami silang magagandang pinagsamahan ng dating barangay kapitan ng San Marcos, San Mateo.
Palagi rin silang magkasama noong panahon ng kampanya at palagi nilang pinag-usapan ang kanilang istratehiya upang manalo ang kanilang mga kaalyado noong nakaraang halalan.
Ayon pa kay Fermin, ang pagkamatay ni dating Board Member Hernandez ay malaking kawalan sa bayan ng San Mateo dahil magsisilbi sana siyang municipal administrator.
Nanawagan siya ng pagkakaisa sa pagkamit ng hustisya para kay Ginoong Hernandez.
Umaasa siya na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari sa kanilang bayan.