CAUAYAN CITY – Dumagsa ang libu-libong moon fish sa baybayin ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Angel Encarnacion, Regional Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 na sa nakalipas na buwan ng Enero lang ay nakapagtala sila ng 23 metric tons ng moon fish sa baybayin ng Cagayan partikular sa bayan ng Gonzaga.
Noong nakaraang taon ay umabot lamang sa 7.7 metric tons ang kanilang naitala at buong taon na ito.
Aniya, maliliit lang ang mga isdang ito at hindi ito nagmamigrate.
Nahuhuli rin talaga ito at ang kaibahan lang ngayon ay ang dami ng nahuhuli na hindi inasahan ng mga tao.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang monitoring at aalamin nila kung ano ang dahilan ng pagdami ng moon fish sa ilang lugar sa Cagayan.
Paalala naman nila sa mga mangingisda na huwag gumamit ng ipinagbabawal na pangingisda at tiyakin na sila ay rehistrado.
Tinig ni Dr. Angel Encarnacion.