Nahuli sa Mexico City International Airport ang lider ng criminal group na Los Lobos mula Ecuador matapos subukang makapasok sa bansa gamit ang pekeng ID.
Isinagawa nitong Miyerkules ang operasyon para dakpin si Angel Esteban Aguilar, kilala bilang “Lobo Menor”, sa tulong ng mga awtoridad mula Colombia, Mexico, at Ecuador.
Ayon kay Pangulong Gustavo Petro ng Colombia, ang pagkakahuli kay Aguilar ay malaking dagok sa transnational organized crime at patunay ng bisa ng kooperasyon ng tatlong bansa. Inilarawan niya si Aguilar bilang isa sa mga pinakakilalang mamamatay-tao sa mundo at nakumpirma na siya ay na-extradite sa Colombia upang harapin ang mga kaso.
Pinuri rin ng Ecuadorean Interior Minister na si John Reimberg ang operasyon bilang tagumpay. Ayon sa kanya, nakilahok ang national intelligence branch at national police ng Ecuador kasama ang mga awtoridad sa Mexico at Colombia, at nagbigay babala sa mga lider ng kartel na saan man sila magtago, sila ay mahuhuli.
Hinahanap si Aguilar kaugnay sa pagpaslang noong 2023 kay anti-corruption candidate Fernando Villavicencio, na tumatakbo bilang pangulo noong panahong iyon. Inilarawan si Aguilar bilang mastermind ng krimen na naganap matapos umalis si Villavicencio sa isang campaign rally malapit sa Quito.
Sa Colombia, nahaharap din siya sa mga paratang ng pakikipagtulungan kay Ivan Mordisco, lider ng rebel group Estado Mayor Central (EMC), at matagal nang hinahanap ng mga awtoridad sa bansa.











