CAUAYAN CITY – Hinatulan ng korte kaninang umaga ng habambuhay na pagkabilanggo ang isang Retired Army Colonel at dalawang kasama sa pagbaril at pagpatay kay dating Vice Mayor Florante Raspado ng Jones, Isabela.
Matatandaang pinagbabaril mismo si Raspado sa loob ng session hall ng Sangguniang Bayan ng Jones noong June 19, 2015 ng salarin na armado ng M16 armalite rifle.
Ang hatol ay ibinaba kaninang alas diyes ng umaga ni Judge Bonifacio Ong ng Regional Trial Court Branch 24 sa Echague, Isabela laban sa mga akusado na sina Retired Army Col. Reynaldo Tapia; Corporal Michael Deocariza, kasapi ng AFP 2nd Infantry Division Philippine Army sa Camp General Mateo Capinpin, Tanay, Rizal at Victor Fontilara, residente ng Tagkawayan, Quezon.
Sina Jacinto at Deocariza ay nadakip sa folllow-up operation ng mga pulis sa Maddela, Quirino habang si Fontilara ay ipinasakamay sa Jones Police Station matapos siyang madakip at masamsaman ng Calibre 45 sa San Agustin, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Vicente Lasam, abogado ng pamilya Raspado na bukod sa hatol na reclusion perpetua ay pinagbabayad din ang mga hinatulan ng 2 million na moral damages at 1.3 million pesos na actual damages.
Matapos ibaba ang hatol ay napaiyak ang misis ni dating Vice Mayor Florante Raspado na si Jones Incumbent Vice Mayor Evelyn Raspado dahil nakamit na nila ang katarungan matapos ang mahigit dalawang taon na paglilitis sa kaso.
Sinabi ni SB Member Jay-ar Vallejo, kamag-anak at tagapagsalita ng pamilya Raspado na napaiyak sila dahil sa nakamit nilang hustisya.
Samantala, pinawalang sala ang tatlong hinatulan sa pagbaril at pagpatay sa aide ni dating Sangguniang Bayan Member Lanie Uy na si Anthony Agarin matapos sinikap na habulin ang mga bumaril kay Raspado.
Sinabi ni Atty. Lasam na wala silang direktang ebidensiya na naipakita sa korte na ang mga akusado ang bumaril kay Agarin.
Walang testigong nakakita sa pagbaril kay Agarin dahil nagkagulo na ang mga tao matapos tumakas ang mga salarin matapos na pagbabarilin sa loob ng session hall si Raspado.




