Mahigpit na tututukan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ang gaganaping Fireworks Display bukas bilang pagsalubong sa taong 2026, bilang bahagi ng kanilang paghahanda upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ayon kay FCINSP. Francis David Barcellano, City Fire Marshal, maglalagay ang BFP Cauayan ng isang fire truck at isang ambulance sa mismong lugar ng fireworks display upang agad na makatugon sakaling magkaroon ng anumang insidente o emergency habang isinasagawa ang aktibidad. Apat na fire personnel ang nakatalaga sa bawat fire truck upang masigurong handa ang mga ito sa anumang sitwasyon.
Dagdag pa ni Barcellano, bago pa man ang mismong fireworks display ay mahigpit munang susuriin ng BFP ang lahat ng gagamiting fireworks upang masigurong ligtas at pasado sa itinakdang pamantayan at maiwasan ang posibleng aksidente.
Bukod dito, magde-deploy din ang BFP Cauayan ng karagdagang fire truck sa Barangay Minante I, partikular sa malapit sa paliparan, bilang bahagi ng kanilang strategic positioning para sa mas mabilis na pagresponde sakaling magkaroon ng sunog o iba pang insidente sa bisperas ng Bagong Taon.
Sa kabuuan, nasa 19 na personnel ng BFP Cauayan ang nakadeploy para sa nasabing aktibidad. Nanawagan din ang BFP sa publiko na makipagtulungan at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan upang maging ligtas at maayos ang pagsalubong sa Bagong Taon 2026.











