--Ads--

CAUAYAN CITY – Aabot na sa limang libong mga TUPAD beneficiaries ang nabigyan na ng tigli-limang libo at limang daang pisong ayuda ng DOLE region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad ang tagapagsalita ng DOLE region 2 sinabi niya na mula sa limang libong beneficiaries ay tatlong libong benipisaryo ang nabigyan sa Cagayan, mahigit dalawang libo sa Isabela at isang libo at animnaraan sa mga lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya.

Aniya sa kabuoan ay nakapagbigay na sila ng halagang labing apat na milyong piso mula sa animnapung milyong pisong pondong nakalaan para sa labing-tatlong libong TUPAD Benificiaries sa buong rehiyon.

Sinabi niya na patuloy ang payout sa nalalabing walong libong benipisaryo ng programa.

--Ads--

Samantala, nauna nang nagbigay ng advance payment ang DOLE sa mga benepisyaryo ng TUPAD sa Cagayan bago pa  magsimula ng pagtratrabaho ng mga benipisyaryo.

Nabawasan na rin ang oras ng pagtratrabaho ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Programa mula sa dating walong oras ay ibinaba ito sa mahigit tatlong oras na lamang gayunman kailangan nilang magtrabaho sa loob ng labing-apat na araw.

Mahigpit namang minomonitor ng DOLE ang mga benepisyaryo upang matiyak na pumapasok at nagtratrabaho sa pamamagitan ng monitoring ng mga field staffs,daily time record at ilang documentary requirements.

Bukas naman ang DOLE na tumanggap ng mga mungkahi at mga reklamo may kaugnayan sa pagpapatupad nila ng Tulong Panghanapbuhay sa TUPAD program.

Bahagi ng pahayag ni DOLE Region 2 Information Officer Chester Trinidad.