Ikagagalak ng National Public Transport Coalition kung maipapatupad ang pansamantalang suspensiyon ng excise tax sa petrolyo, bilang tugon sa kanilang matagal na panawagan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, convenor ng grupo, mahalagang bantayan ng gobyerno ang epekto ng krisis sa suplay ng langis, lalo na sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Bagama’t may sapat na suplay ng langis na maaaring tumagal ng hanggang 60 araw, nakadepende pa rin ang sitwasyon sa agarang aksyon ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Lim na kung hindi maaagapan, posibleng magdulot ito ng panic buying at hoarding, at maaaring huminto ang operasyon ng ilang kumpanya ng langis.
Kabilang sa mungkahi ng grupo ang limitasyon sa paggamit ng pribadong sasakyan at ang pansamantalang suspensiyon ng excise tax upang mapababa ang presyo at maibsan ang pasanin ng transport operator at mamamayan.











