--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinanggal na ng pamahalaang panlalawigan ang liquor ban na ilang buwan na ipinairal Isabela mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na tinanggal na ang umiiral na liquor ban ngunit bawal pa rin ang pag-inom sa mga pampublikong lugar.

Aniya, kapag iinom ng alak ay dapat sa loob lamang ng bahay.

Ayon kay Governor Albano, dapat iwasan nang lumabas kung lasing na para makaiwas sa anumang hindi kanais-nais na pangyayari tulad ng gulo at aksidente.

--Ads--

Sinabi pa ni Gov. Albano na ipinagbabawal pa rin ang mass gathering.

Samantala, sa unang naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na tinanggal na ang umiiral na liquor ban sa Cauayan City dahil may katagalan na rin itong ipinapatupad at wala nang bagyo.

Gayunman, kung iinom ay dapat sa loob lamang ng bahay at hindi dapat lalagpas sa 10 ang puwedeng mag-inuman para masunod pa rin ang social distancing.

Pinapayagan ang pagtitinda ng alak sa mga store subalit hanggang alas-singko lamang ng hapon.

Ang mga manggugulo kapag nakainom ng alak ay aarestuhin at papatawan ng karampatang parusa.

Ayon kay Mayor Bernard Dy, layunin nitong matulungan ang mga tao na maging kalmado kaya dapat ay katamtaman lamang ang kanilang iinumin.