CAUAYAN CITY – Mahigpit pa ring ipapatupad ang pagbabawal sa pag-inom ng alak o liquor ban kapag isinailalim sa General Community Quarantine ang lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Panlalawigan Member Atty. Randy Arreola na mayroon nang ipinasang ordinance number 8 o liquor ban kapag mayroong storm signal sa lalawigan.
Sinabi ni SP member Arreola na kasama niya si SP member Jon Añes ay inisponsoran nila ang pagpapalawig sa sasakupin ng liquor ban na kung dati ay may bagyo lang ngayon ay kasama na ang natural calamity at man made calamity.
Ilan pa aniya sa binago nila ay ang pagpapatupad ng liquor ban na 48 hours bago pa man dumating ang super typhoon at hindi na hihintayin na mayroong signal ang Isabela.
Kahit walang typhoon signal ngunit bumabaha ay sakop na rin ng liquor ban.
Nilinaw pa ni SP member Arreola na nasa ilalim pa rin ng bansa ang State of Emergency kaya sakop pa rin ang liquor ban.
Itinaas na rin ang multa na P2,000 at kapag hindi nabayaran sa loob ng pitung araw ay masasampahan na ng kaso ang lumabag.
Kapag nasampahan na ng kaso ay tataas ang multa ng P3,000 o ang pagkakulong ng hanggang tatlong buwan.
Habang ang mahuhuling magbebenta ng alak ay magmumulta ng P4,000 ngunit kung hindi nabayaran ay makakasuhan at magmumulta ng P5,000 at makulong ng hanggang anim na buwan.
Nakasaad din sa ordinansa na sinumang magsusumbong ay mapagkakalooban din ng pabuya.











