--Ads--

Ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) ang 90-araw na suspensyon ng lisensya ng isang motorista sa Echague, Isabela matapos nitong payagan ang kanyang menor de edad na anak na magmaneho ng sasakyan.

Inatasan ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao si Geronimo Santos, officer-in-charge ng LTO Regional Office sa Cagayan Valley, na ipalabas ang suspension order.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagkalat sa social media ng isang video kung saan makikitang minamaneho ng bata ang sasakyan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Paulo.

Sa pahayag ng LTO, naglabas din sila ng show cause order (SCO) laban sa motorista dahil sa pagpapahintulot sa kanyang anak na magmaneho, na maaaring magdulot ng panganib sa ibang motorista.

--Ads--

Kailangan magsumite ng nakasulat na paliwanag ang motorista sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi dapat masuspinde pa o tuluyang kanselahin ang kanyang lisensya.

Ayon sa LTO, ang hindi pagsagot sa SCO ay ituturing na pagkakaila sa karapatan ng motorista na maipaliwanag ang kanyang panig.