CAUAYAN CITY- Inihahanda na ng Commission on Election (Comelec) Cauayan ang listahan ng mahigit 1,000 na election servers sa darating na National and Local Election.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer sa lungsod, sinabi niya na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Education upang tiyakin na ang mahigit 1,000 na election servers sa kanilang listahan ay lehitimong mga guro.
Ang nabanggit na bilang ng mga DepEd personnel ay para lamang sa electoral board dahil hindi naman kinakailangan na DepEd personnel din ang hahawak sa Desotech na susuporta sakaling magka problema ang machine na gagamitin.
Batay sa pangangailangan ng ahensya, 393 ang kailangan na servers sa 131 na presinto, 54 desoteck support staff, maliban pa rito ang DESO na kadalasang mga school principal, at iba pa.
Kabilang sa kinikilatis ng tanggapan ay ang listahan ng electoral board na kinabibilangan ng chairman, poll clerk, at 3rd member.
Kinakailangan aniya na mga DepEd personnel ang mga election servers subalit pinaghahanda pa rin ang mga kapulisan bilang substitute sakaling kulangin ang election servers sa lungsod ng Cauayan.
Samantala, pinaghahandaan na ng tanggapan ang kanilang isasagawang oplan baklas para tanggalin ang mga campaign materials sa hindi itinalagang poster areas.
Magsasagawa naman ng pagpupulong ang Comelec katuwang ang PNP, DENR, BFP, DPWH, at iba pang ahensya upang pag-usapan ang pagbaklas ng mga campaign materials.