--Ads--

Dalawang lalaki ang nasawi matapos mahulog ang sinasakyang loader sa bangin sa bahagi ng Lower Kesbeng, Poblacion nitong Martes ng hapon habang isinasagawa ang clearing operations bunsod ng pagguho ng lupa dala ng Habagat.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima bilang sina Redentor Roldan at Rex Gayang, parehong empleyado ng Benguet Provincial Engineering Office.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bahagi ang dalawa ng grupong ipinadala upang magsagawa ng clearing sa Bineng, La Trinidad matapos ang pagguho ng lupa dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan.

Habang binabagtas ang pababang bahagi ng kalsada sa Lower Kesbeng, nawalan umano ng kontrol ang driver ng loader dahil sa sinasabing pagkasira ng preno.

--Ads--

Dahil dito, dire-diretso umanong nahulog ang loader sa tinatayang 100-metrong bangin sa gilid ng kalsada.

Hindi na umabot nang buhay sina Roldan at Gayang sa insidente, samantalang sugatan naman ang dalawa pa nilang kasamahan na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital.