CAUAYAN CITY– Patay ang isang laborer matapos bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang puno ng G-melina sa Santa Lucia, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang namatay ay si Richmond Camarillo, 22 anyos at residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Ferdinand Laudencia, hepe ng Bagabag Police Station na ang biktima ay nagpaalam sa kanyang live in partner na bibili lamang ng pagkain at gamot ngunit hindi na bumalik.
Lumabas anya sa pagsisiyasat ng pulisya na bumangga ang motorsiklo sa puno ng G-melina at nagtamo ng matinding tama sa katawan ang biktima na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Ang nasabing lansangan ay pakurbada at malamang na hindi nakontrol ng biktima ang manibela dahil nakainom ng nakakalasing na inumin nang maganap ang aksidente.
Dahil dito pinayuhan ng hepe ng pulisya ang mga motorista na iwasang magmaneho kapag nakainom ng alak.
Idinagdag ni Chief Inspector Laudencia na sa kanilang bayan ay umaabot sa pitumpong bahagdan na sanhi ng aksidente ng mga nakasakay sa motorsiklo ay nakainom ng alak.