CAUAYAN CITY – Pinayuhan ng isang local historian ang mga kabataan na alalahanin ang mga nangyari sa nakalipas tulad ng asasinasyon ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at patuloy na maging mapagmatyag sa mga pangyayari sa ating lipunan.
Matatandaang binaril at pinatay si Aquino noong August 21, 1983 habang pababa sa China Airlines na lumapag sa Manila International Airport (MIA) ngayon ay Ninoy Aquino International Airport.
Ang pagkamatay ni Aquino ang naging mitsa ng galit ng taumbayan sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na napatalsik sa Malakanyang sa makasaysayang Edsa People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Tourism Officer Alexander Troy Miano at local historian mula sa Cabatuan, Isabela, sinabi niya na mahalaga ang paggunita sa pagkamatay ni dating Senador Ninoy Aquino dahil nagpapaalala ito sa mga nangyari sa kasaysayan ng Pilipinas na dapat maging ehemplo ng kasalukuyang henerasyon.
Ito aniya ang rason kaya nagpasa ng batas ang Kongreso upang gunitain ang mga importanteng pangyayari sa kasaysayan ng bansa.
Nararapat din aniya na bigyan ng pagkilala ang mga kasamahan noon ni Aquino na lumaban para sa demokrasya ng bansa.
Pinaalalahanan niya ang lahat na huwag ikumpara ang panahon noon sa ngayon dahil malaki ang kaibahan nito.