CAUAYAN CITY – Dalawa ang pananaw ni Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano, isa ring local historian sa pahayag ng aktres na si Ella Cruz na parang tsismis lang ang history.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Miano na una, maaaring gusto lang ni Ella na mapag-usapan dahil sa kanyang pelikula na malapit nang maipalabas.
Nag-iingay aniya ang aktres para makakuha ng attention at nagtagumpay naman dahil nakalampag ang sektor ng akademya, mananaliksik at historian.
Ayon kay Dr. Miano, ang ikalawa ay posibleng kulang lang ng kaalaman ang aktres dahil maaaring hindi siya hinulma nang husto ng mga naging guro sa mga asignaturang Araling panlipunan, Hekasi at History kaya ganoon ang kanyang pananaw.
Posible ring talagang ayaw niya ang mga asignaturang ito noong kanyang kabataan kaya ganoon ang kanyang pananaw sa history at itinuring niyang parang tsismis.
Maaari namang hindi siya nabigyan ng tamang script ng mga staff ng ginagawang pelikula.
Ayon kay Dr. Miano, ang mga researchers at historian ay nagbabatay sa mga primary at secondary sources at hindi sila nagsusulat at nagpapahayag ng mga datos na inimbento o ginagawang opinion lamang.
Mahalaga aniya ang facts ngunit ang probema nang mauso ang social media ay pinipilit na baguhin ang kasaysayan para pumabor sa mangilan-ngilan o pamilya na tinamaan ng hindi maganda ng mga unang sumulat ng kasaysayan.
Dapat aniyang panatilihin ang mga facts na naipon noon at kung may pag-aalinlangan ay sumulat uli upang patunayan batay sa primary o secondary sources o interview at ibang dokumento na may pagkakamali ang mga unang historian.
Sinabi ni Dr. Miano na ito ang ginagawa tulad ng kasaysayan ng buhay ni Dr. Jose Rizal na nang may natuklasang bago ay may sumulat ng isa pang version batay sa mga pananaliksik.
Ang tsismis aniya ay paggawa lang ng eksena at pananalita na walang batayan para sirain ang isang individual.
Pinayuhan ni Dr. Miano si Ella Cruz na muling magbasa-basa dahil hindi ‘engot’ ang mga sumulat na sina Teodoro Agoncillo, Ambeth Ocampo at iba pa upang mag-imbento at ibatay sa tsismis ang laman ng kasaysaysan.
Binigyang-diin ni Dr. Miano na isinusulat ang kasaysayan upang ang mga hindi magandang nangyari sa nakaraan ay hindi na mauulit .
Ang batayan aniya ng kasaysayan ay facts at hindi basta opinion lamang.
Kaya sinasabing filtered ang kasaysayan dahil ang mga gumagawa ng vlogs, short film at short videos ay kaduda-duda lalo pa’t itinaon ito noong nakaraang halalan.