CAUAYAN CITY – Kailangan nang i-activate ng mga bayan at lunsod ang kanilang Local Price Coordinating Council na magiging katuwang ng DTI at DA sa pagmomonitor sa presyo ng mga agricultural products.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA region 2 na mayroon talagang mga negosyante na minamanipula ang pagbili sa mga produkto ng mga magsasaka.
Nakiusap si Regional Executive Director Edillo sa mga negosyante na tulungan rin ang mga magsasaka ngayong pandemya.
Mayroon na anyang ipinasang Suggested Retail Price sa pagbili ng mga produkto ng mga magsasaka si Kalihim William Dar ng DA sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinakailangang mamonitor sa tulong ng DTI at LGUs ang pagbili sa produkto ng mga magsasaka.
Mayroon anyang kapangyarihan ang LGUs pangunahin na ang Local Price Coordinating Council na magkansela ng permit to operate o pagmultahin ang mga negosyanteng magmamalabis.
Sinabi pa ni Regional Executive Director Edillo na mahirap ipatupad ang Suggested Retain Price o SRP kung hindi sapat ang supply ngunit maaari naman itong magawan ng paraan sa pamamagitan ng pagbili ng alternative source.