
CAUAYAN CITY – Pinalawig ng apat na araw ang ipinapatupad na localized lockdown sa 15 barangay ng lunsod ng Ilagan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Kabilang ang mga barangay na ito sa 27 barangay na una ng isinailalim sa localized lockdown noong unang araw ng Abril.
Batay sa Executive Order Number 22 na nilagdaan ni Mayor Jose Marie Diaz, muling pinalawig ang localized lockdown sa 15 barangay ng lunsod hanggang sa ikalabing apat ng Marso.
Ang mga barangay na ito ay kinabibilangan ng Alibagu, Calamagui 2nd, San Vicente, Malalam, Bliss Village, Baculod, Baligatan, Bagumbayan, Fugu, Guinatan, Calamagui 1st, Alinguigan 1st, Centro San Antonio, Manaring at Sta. Barbara.
Layunin ng hakbang na ito na maipagpatuloy ang containment at mapigilan ang paglaganap ng dumaraming kaso ng COVID-19 sa naturang mga barangay.
Samantala, hiniling ng pamahalaang lunsod ng Ilagan ang pakikipagtulungan ng mga residente ng naturang mga barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Focal Person Ricky Laggui ng City Inter Agency Task Force na pababa na ang naitatalang kaso sa mga naturang lugar kaya nanawagan siya sa mga residente na makisama at makipagkaisa para gumanda na ang kanilang sitwasyon at maibalik na sa mas mababang quarantine status ang kanilang barangay.
Sa ngayon ay mahigit 1,500 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa lunsod ng Ilagan at 281 ang aktibong kaso.










