--Ads--

Itinampok ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang mayamang kultura, lokal na produkto, at inobasyon ng lalawigan sa pagbubukas ng Bambanti Festival 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy III, sinabi niya na ang tatlumpu’t apat na bayan at tatlong lungsod ng Isabela ay aktibong lumahok sa pagdiriwang sa pamamagitan ng kani-kanilang booth na nagpapakita ng natatanging kultura at produktong lokal.

Dagdag pa ng Bise Gobernador, kapansin-pansin ang mabilis na pagkaubos ng mga produktong ibinibenta, na patunay umano ng interes at suporta ng publiko sa lokal na industriya.

Inanyayahan din niya ang publiko na bumisita agad sa mga booth sa opening day pa lamang upang makibahagi sa pagdiriwang at makabili ng mga produktong gawa sa lalawigan.

--Ads--

Ang tema ng Bambanti Festival 2026 ay “Inobasyon”, na layong ipakita kung paano ginagawang makabago ang mga raw materials na eksklusibong matatagpuan sa lalawigan ng Isabela.

Binibigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan na mahalaga ang paggamit ng lokal na yaman hindi lamang sa turismo kundi pati sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga Isabeleño.

Layunin ng taunang pagdiriwang na palakasin ang identidad ng lalawigan bilang sentro ng agrikultura, kultura, at pagkamalikhain, kasabay ng pagsusulong ng lokal na ekonomiya.

Kaugnay nito, pasado alas-4 ng hapon ay isinagawa ang 3K Color Fun Run na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon, asosasyon, IPPO, BFP, at iba pang mga ahensya ng lokal na pamahalaan.

Inihayag ni Ginoong Exiquiel Quilang, tagapagsalita ng Provincial Government of Isabela, na Enero 19 pa lamang ay nagsimula na ang iba’t ibang aktibidad kasabay ng pormal na pagbubukas ng Bambanti Village.

Batay sa Public Order and Safety, PNP, at BFP, walang anumang untoward incidents sa unang araw ng week-long celebration.

Aasahan sa mga susunod na araw ang iba pang aktibidad kabilang ang Agri Eco-Tourism Booth Competition, kauna-unahang pagluluto ng Giant Pancit Cabagan, job fair, Makan Ken Mainum, Street Dance Competition, Bambanti Musical, Grand Concert, at ang pinaka-highlight na Queen Isabela 2026, kung saan magtatagisan ng talino at ganda ang bawat kandidata mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela.

Ang Bambanti Festival ay isang taunang pagdiriwang na sumasalamin sa masaganang ani ng bawat magsasaka sa Isabela.

Samantala, ibinida ng LGU Cauayan ang pagiging innovative at smart city na siyang naging tema ng Agri Eco-Tourism booth ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maribel Eugenio, City Tourism Officer ng Cauayan City, sinabi niya na mangilan-ngilan lamang ang raw materials sa booth dahil nais nitong ipakita o i-showcase ang innovation sa modernized booth.

Ilan sa mga produktong tampok ay ang mga hand-painted products na gawa ng mga lokal na artist ng lungsod.

Aniya, sinimulan ang pagsasaayos ng booth noong Enero 14 at natapos nitong Enero 17.

Sa hinaharap, plano ng LGU Cauayan na mas mapalago ang bamboo industry, kung saan lahat ng mga kagamitan o kasangkapan ay yari sa kawayan.