--Ads--

Idinulog ng isang lola sa Bombo Radyo Cauayan ang naranasang overcharging sa pamasahe ng kaniyang apo, na isang Grade 7 student.

Ikinuwento ni Dalisay, lola ng estudyante, na nitong Sabado, Nobyembre 29, 2025, ay pumasok sa Saturday class ang kaniyang apo bago magtungo sa isang mall. Pabalik na sana sa Our Lady of the Pillar High School ang kaniyang apo kasama ang mga kaklase nito nang sumakay sila sa isang tricycle na may body number 4916.

Siningil umano ang mga estudyante ng ₱25 bawat isa. Nagmakaawa pa umano ang mga ito na ₱15 na lamang ang kanilang ibabayad at ipinakita pa ang kanilang school ID, subalit hindi pa rin pumayag ang driver ng tricycle.

Ayon kay Dalisay, una na niya itong inireklamo sa POSD (Public Order and Safety Division), ngunit hanggang ngayon ay wala pa siyang natatanggap na update kung napatawag na ba ang tricycle driver na umano’y naniningil ng sobra.

--Ads--

Nais lamang umano ni Dalisay na mapagsabihan o mabigyan ng nararapat na parusa ang drayber na abusado at naniningil nang lampas sa tamang pamasahe.

Samantala, inihayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin na paglabag sa umiiral na taripa ang ginawa ng naturang tricycle driver.

Tiniyak niya na hahanapin, huhulihin, at papatawan ng kaukulang parusa ang nasabing driver.

Aniya, halos walking distance lamang, kung tutuusin, ang OLPC High School, at ang taripa para sa mga estudyante ay ₱12 lamang, lalo na sa poblacion area. Dagdag pa niya, ang mga pasahero ay dapat magbayad individually at hindi bilang isang grupo.

Ipinaalala rin niya na sa umiiral na taripa ng lungsod ay may diskwentong ipinagkakaloob at dapat sundin. Madalas aniya, ang mga lumalabag dito ay iyong mga hindi regular na namamasada o mga spare driver.

Pinaalalahanan din niya ang mga operator na ugaliing tingnan at bantayan ang kanilang mga driver upang matiyak na hindi sila lumalabag sa mga alituntunin ng lungsod.

Aniya, ilan sa mga paulit-ulit na lumalabag ay nakansela na ang kanilang prangkisa at nakumpiska ang kanilang lisensya.

Nagpaalala rin siya sa mga tricycle driver na huwag samantalahin ang holiday season at iwasang humingi ng pamasko sa mga pasahero.

Nagbabala pa siya laban sa mga colorum at mga namamasada mula sa ibang bayan na huwag makipag-agawan ng pasahero at huwag mamasada sa lungsod kung wala silang permit.