--Ads--

CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ngayong araw ang isang Senior Citizen na nagtamo ng first degree burn matapos masunog ang kanilang bahay sa Dipacamo, San Guillermo, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rodel Caoili, nasunugan at anak ng senior citizen na nasawi, sinabi niya na bandang alas-2 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa kanilang bahay.

Aniya, gustong maligo ng kaniyang nanay na isa nang bedridden at dahil sa ilang araw nang walang tubig sa kanila ay iniwan niya saglit ito at naghanap ng pag-iigiban.

Pagbalik niya sa kanilang bahay ay namataan nito na nilalamon na ng apoy ang kanilang tahanan kaya nagmadali siyang makabalik para maisalba ang kaniyang nanay.

--Ads--

Nagawa naman umanong mailabas sa nasusunog na bahay ang nanay nito sa tulong na rin ng kanilang mga kapit-bahay ngunit nalapnos ang ilang bahagi ng katawan nito gaya na lamang ng kaniyang mukha at braso.  

Nagtamo rin ng sugat si Ginoong Rodel sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan sa pagmamadali nito na mailigtas ang kaniyang ina.

Bagama’t naisalba ay binawian din ito ng buhay ngayong umaga ng Lunes, Pebrero 17.

Dahil sa natupok ng apoy ang kabuuan ng kanilang bahay ay wala na silang naisalba na anumang kagamitan.

Sa ngayon ay kasalukuyan silang tumutuloy sa barangay hall ng Dipacamo kung saan nagtulong-tulong ang kanilang mga ka-barangay para sa kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng damit at pagkain.

Nanawagan naman siya ng tulong sa mga may mabubuting loob na gustong magpaabot ng tulong donasyon na makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng kanilang barangay o makipag-ugnayan sa numerong 0919 404 8973 o 0949 147 2151.