--Ads--

Nagtapos ng kursong BS Criminology ang isang 64-year-old na lola mula sa Echague, Isabela.

Siya ay si Lola Lolie Apolonio na nagsumikap upang matupad ang kaniyang pangarap na makapag-tapos ng pag-aaral sa kabila ng pagiging senior citizen nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lola Lolie, sinabi niya na nagsimula ang kaniyang hangarin na muling makapagtapos sa pag-aaral nang hikayatin siya ng kaniyang sundalong apo na mag-apply bilang reservist.

Nang maging ganap na siyang reservist ay ninais niyang mapataas ang kaniyang ranggo kaya itinuloy niya ang kaniyang kurso na Bachelor of Science in Criminology sa ilalim ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).

--Ads--

Bata pa lamang siya ay pangarap na niya talagang magsundalo kaya naman nang may tumulong sa kaniyang mag-enroll sa ETEEAP ay agad niyang sinunggaban ang oportunidad.

Sa kaniyang muling pagbabalik sa pag-aaral ay mga propersyonal na aniya ang kaniyang mga kaklase ngunit hindi naman ito naging hadlang sa kaniya lalo na at maayos naman naging pagtanggap sa kaniya kahit pa siya ang pinaka-matanda.

Isa aniya siyang atleta noong kabataan pa niya na siya ring dahilan kung bakit siya nakatuntong sa kolehiyo dahil sa pagiging scholar.

Noong 1984 ay nabigyan siya ng pagkakataon na makapag-training sa Camp Melchor Dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela subalit hindi na niya ito naituloy dahil kinailangan niyang huminto sa pag-aaral at naging security guard.

Ngayon na nakapag-tapos na siya ng pag-aaral ay plano niya ngayong mag-take ng board exam.

Pinayuhan naman niya ang lahat na ipagpatuloy lamang ang pag-abot sa kanilang mga pangarap kahit ano pa man ang kanilang edad at kahit gaano karaming pagsubok ang dumating sa kanilang buhay.