CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Lola matapos ma-trap sa nasusunog na bahay sa Purok 3, Barangay Sinamar Norte.
Ang biktima ay nakilalang si Ginang Saturnina Guray, siyamnaput pitong taong gulang at residente ng naturang barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mabilis na kumalat ang apoy at natupok ang bahay na gawa sa light materials.
Batay sa mga apo ng biktima na natutulog ang kanilang Lola sa kaniyang kwarto na katabi lamang ng kanilang kusina nang sumiklab ang sunog.
Malakas pa naman umano ang kanilang Lola subalit hindi din umano niya inasahan ang pangyayari kaya hindi na makalabas.
Hindi na nagawang saklolohan pa ang biktima dahil malaki na ang apoy nang lumabas nang bahay ang isa sa mga apo.
Nagsimula ang sunog pasado alas-dos ng hapon at makalipas lamang ang ilang sandali ay naapula rin ang sunog.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng BFP San Mateo sa naging sanhi ng sunog.











