Arestado ang isang lolo sa lungsod ng Cauayan matapos umanong pagbantaan ng hindi maganda ang kaniyang kamag-anak dahil sa away sa lupa.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, ang suspek ay itinago sa alyas na Erick, 73-anyos, na residente ng Turayong, Cauayan City .
Matagumpay na naaresto ang suspek sa pagtutulungan ng Cauayan City Police Station, Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU-IPPO), Regional Intelligence Unit 2- Ptovincial Intellegence Team (RIU2-PIT), Provincial Intelligence Unit (PIU-IPPO), RMU2, at 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company, batay sa inilabas na mandamiento de aresto na inisyu ng hukom sa Second Judicial Region, Regional Trial Court Cauayan City noong ika-19 ng Enero taong kasalukuyan.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art. 282 ng Revised Penal Code o ang Grave Threats na mayroong kaukulang piyansa na PHP 72,000.00 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek na nakatakda namang ilipat sa korteng pinagmulan.
Dagdag pa ng pulisya, ang suspek ay kabilang sa e-warrant system.











