--Ads--

Isang lolo na residente ng Tagaran Cauayan City ang nabiktima ng budol budol matapos na may tumawag sa kanya at nagpakilalang staff sa show ni Willie Revillame at sinabing siya raw ay nanalo ng malaking halaga ng pera.

Bago naman nito makuha ang kanyang pera ay kailangan muna umano nitong magpadala ng P20,000.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag ng Tagaran Cauayan City sinabi niya na binigyan ng scammer ang pitumpung taong gulang na biktima ng gcash number na nakapangalan sa isang ALVIN C.

Pinapunta sa outlet ang lolo para magcash-in ng P20,000 at sa hirap ng buhay at pag-asa na siya ay magkakapera ay nagtiwala ang biktima at nagcash in ngunit huli na nang malaman na ang ibig sabihin ng cash-in ay siya pala ang magpapadala at hindi siya ang tatanggap ng pera.

--Ads--

Naipadala na ng nagka-cash in ang pera bago pa nito malaman na walang pera ang biktima.

Ayon kay Kap. Balauag, maigi sana umanong tinanong muna ng gcash outlet kung may pera ang lolo para hindi nito naipadala ang pera sa scammer.

Mangiyak-ngiyak ang biktima nang magtungo sila sa barangay dahil kailangan na niyang magbayad ng P20,000 sa outlet.

Dahil aminado naman ang biktima na siya ay nagpa-cash in kaya napag-usapan na lamang ng dalawang panig na buwanan na ang kanyang pagbabayad.

Pinayuhan naman ng punong barangay ang publiko na maging mapagmatyag sa mga hindi kilalang tumatawag at huwag maniniwala kung wala namang alam na sinalihang promo o anuman para magkaroon ng malaking halaga ng pera.