CAUAYAN CITY – Namatay ang isang lolo matapos pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay sa Purok 7D, Brgy. District 1, Cauayan City.
Ang biktima ay kinilalang si Magellan Durao, animnapung taong gulang, may asawa, laborer at residente ng nabanggit na lugar.
Ang suspek ay si Frederick Paccarangan alyas Pendong, tatlumput isang taong gulang, laborer at kapitbahay ng biktima.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, bago ang insidente, ang biktima ay natutulog sa loob ng kanyang kwarto matapos makipag-inuman kasama ang kanyang kamag-anak at nagising ito dahil sa tahol ng aso.
Nakita ng menor de edad na apo ng biktima ang suspek na pumasok sa kwarto ng biktimang natutulog at dinaganan habang inuundayan ng saksak.
Agad na nagtago ang menor na saksi sa kanilang kwarto at palihim na kinuhanan ng video ang dalawa habang sinasaksak ng suspek ang kanyang lolo.
Umalis ang suspek matapos ang krimen ngunit makalipas lamang ang ilang minuto ay bumalik ito sa loob ng kwarto ng biktima at tinangkang sunugin ang kwarto gamit ang diesel.
Dahil dito ay lumabas na sa pinagtataguan ang menor de edad at humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay upang maapula ang apoy.
Nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa katawan at paso mula sa apoy na agad dinala sa isang pagamutan ngunit idineklarang Dead on Arrival ng attending physician.
Agad namang inaresto ng mga pulis ang suspek batay sa pahayag ng saksing menor de edad at kasalukuyan nang nakapiit sa Cauayan City Police Station.
Batay sa pagsisiyasat ng Cauayan City Forensic Unit personnel na nagtungo sa crime scene, narekober ang isang kitchen knife na hinihinalang ginamit ng suspek sa pananaksak sa biktima.










