NAGING ganap ng Tropical Depression ang isang low-pressure area o LPA sa loob ng Philippine Area of Responsibility o PAR at pinangalanang “Ada” nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Batay sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Ada 635 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur bandang alas-10 ng umaga nitong Enero 14.
Taglay ng tropical depression ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras at pagbugsong hangin na umaabot sa 55 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro kada oras.
Dahil dito, itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Northern Samar
- Samar
- Eastern Samar
- Dinagat Islands
- Surigao del Norte
- Surigao del Sur
Ang Signal No. 1 ay nagbababala ng malalakas na hangin na may lakas na 39 hanggang 61 kilometro kada oras sa loob ng susunod na 36 oras, na maaaring magdulot ng minimal hanggang minor na banta sa buhay at ari-arian.
Ayon pa sa PAGASA, kikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran hanggang pahilagang-kanluran ang bagyong Ada sa susunod na tatlong araw.
Inaasahan din na lalakas pa ang Ada at posibleng maging isang tropical storm sa loob ng susunod na 24 oras, habang patuloy itong dahan-dahang umiigting sa bahagi ng Philippine Sea.











