Isang low pressure area ang kasalukuyang minomonitor ng PAGASA sa labas ng PAR, huling namataan sa layong 1,695 km silangan ng Southern Mindanao.
Sa ngayon, mababa ang posibilidad na ito ay maging ganap na bagyo sa susunod na 24 oras, ngunit patuloy itong binabantayan dahil maaaring magbago ang sirkulasyon sa mga darating na oras.
Samantala, ang Northeast Monsoon ay patuloy na nakakaapekto sa Extreme Northern Luzon, habang ang Easterlies naman ang umiiral sa ibang bahagi ng bansa.
Sa Surigao del Sur, Davao de Oro, at Davao Oriental, inaasahang magiging maulap ang kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog, na may kasamang katamtaman hanggang paminsang malakas na ulan.
Sa Batanes, Cagayan, at Apayao, bahagyang maulap na may mahihinang pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon, at wala namang inaasahang malakihang epekto.
Sa Ilocos Norte, inaasahang bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may kasamang mahihinang pag-ulan.
Samantala, sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may mahihinang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dulot ng Easterlies.





