Tuluyan nang naging tropical depression ang low pressure area na minomonitor ng weather bureau sa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Ito ay tinawag na si tropical depression Lannie. Huling namataan ang sentro nito sa layong 305 km kanluran ng Sinait, Ilocos Sur. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15km/h.
Sa kasalukuyan wala namang tropical cyclone wind signals na ipinatupad ang PAGASA.
Inaasahang kikilos pa-northwest ang Bagyong Lannie hanggang Lunes, bago lumiko pawest-northwest sa mga susunod na araw. Sa forecast track, posibleng makalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga o mamayang hapon.
Ayon sa PAGASA, inaasahan ding lalakas si LANNIE at magiging tropical storm pagsapit ng gabi o bukas ng madaling araw.
Sa ngayon apektado ng mga kaulapang dala ng tropical depression ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley.
Patuloy namang umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon kaya asahan ang maulap na papawirin at pag-ulan sa nasabing mga lugar.
Ang Visayas at Mindanao naman ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan dahil sa mga localized thunderstorm.











