--Ads--

CAUAYAN CITY –  Tila nakidalamhati ang langit sa paghahatid kaninang alas dose ng tanghali sa huling himlayan sa labi ni yumaong LPGMA Partylist Representative Rodolfo “Rudy” Albano sa Catholic Cemetery sa Cabagan, Isabela dahil sa makulimlim na kalangitan at nagbabadya ng pag-ulan.

Emosyonal ang mga anak at apo ni Cong. Rudy Albano sa paghahatid na sa kanya sa kanyang huling himlayan sa tabi ng puntod ng kanyang yumaong asawa.

Unang idinaan  ang kanyang  labi kaninang alas otso ng umaga sa Cabagan Municipal Hall bago dinala sa  St. Paul Parish Church kung saan isinagawa ang requiem mass.

Isinunod ang necrological service kaninang 10 ng umaga at nagbigay ng eulogy sina  Engr. Oliver Massigan at Dr. Miguel Ramos.

--Ads--

Nagbigay ng response si Gov. Rodito Albano na sinundan ng flower offering.

Pagkatapos nito ay dinala na ang labi ni dating House Majority Leader Rudy Albano sa Catholic Cemetery  at binigyan ng 21 gun salute dakong alas dose ng tanghali.

Matatandaang sumakabilang buhay si Cong. Rudy Albano noong Nobyembre 5, 2019 sa edad na 85 sanhi ng heart failure matapos siyang isugod sa ospital.

Naging makulay ang karera sa pulitika ni kinatawan Albano dahil maraming beses siyang nahalal na congressman ng unang distrito ng Isabela, naging House majority leader at naging chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC).