--Ads--

Nag-utos si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Vigor Mendoza II ng imbestigasyon kaugnay ng aksidente sa Luna, Isabela na ikinamatay ng tatlong katao at ikinasugat ng sampung iba pa.

Sa pahayag ng LTFRB, agad silang nagpadala ng mga tauhan upang magsagawa ng imbestigasyon at kumuha ng kopya ng police report hinggil sa insidente.

Naglabas din ang LTFRB ng show cause order laban sa operator ng jeepney bilang bahagi ng imbestigasyon upang matukoy kung roadworthy o ligtas gamitin ang naturang sasakyan.

Matapos ang insidente, inatasan ni Mendoza ang regional director ng LTFRB sa Cagayan Valley na iproseso ang pagbabayad ng insurance para sa lahat ng biktima ng aksidente.

--Ads--

Ayon sa kanya, dapat ding maibigay ang tulong sa mga pamilya ng mga nasawi at sa mga sugatan.

Samantala, sinabi ni LTFRB Region 2 Regional Director Richard Dayag na nakikipag-ugnayan na sila sa transport cooperative na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng jeepney, gayundin sa Passenger Accident Management & Insurance Agency, Inc., upang masigurong agad na maibibigay ang kaukulang bayad sa mga biktima.