
CAUAYAN CITY – Tinatayang nasa P125 million ang pondo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nakatakdang maipamahagi sa mga operators na makikiisa sa programang Libreng Sakay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jinky Zipagan, Attorney IV ng LTFRB Region 2, sinabi niya na ang project implementation ng Libreng Sakay ay maaring tatagal hanggang 60 araw ngunit kung hindi mauubos ang P125 million na pondo ng proyekto ay maari pa itong palawigin.
Hinikayat ng LTFRB Region 2 ang mga pasahero na samantalahin ang kanilang proyekto dahil maraming mga bus units, van at modern PUJ’s ang namamasada at nagbibigay ng Libreng Sakay.
Upang matiyak na bumibiyahe ang mga sumali sa Free Ride ay may GPs installed na batayan ang LTFRB kung magkano ang babayaran nila sa mga sasakyang kasali ng Libreng Sakay.
Namomonitor rin ng LTFRB Central Office kung ilan ang pasaherong isinasakay ng mga kalahok sa sasakyan sa pamamagitan ng PUVMS program.
Nilinaw ni Atty. Zipagan na pangunahing layunin ng Libreng Sakay ay ang matulungan ang mga mananakay at matulungan rin ang mga Bus, PUV at PUJ drivers na kumita.
Hinihikayat rin nito ang iba pang mga driver operators na lumahok at samantalahin ang programa.










