--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsusulong ng LTFRB Region 2 sa pagbabalik ng mga provincial buses bilang tugon sa problema tungkol sa mga kolorum na sasakyan.

Matatandaang marami nang  kolorum na SUV at Van na ang nahuli ng LTFRB Region 2 na nagsasakay ng mga pasahero papasok at palabas ng rehiyon ng hindi sumusunod sa mga ipinapatupad na minimum health protocols.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB Region 2 sinabi niya na maraming beses na nilang gustong ibalik ang mga provincial buses ngunit hindi lahat ng mga LGUs ay handa nang tumanggap.

Ang Lunsod ng Tuguegarao at Santiago na malalaking lugar na pinanggagalingan ng mga provincial buses ay lubhang naapektuhan ng Covid 19.

--Ads--

Patuloy ang koordinasyon ng LTFRB sa mga malalaking lugar sa rehiyon para sa muling pagbubukas ng biyahe ng mga provincial buses tulad sa lunsod ng Cauayan at hinihintay  na ang mga operators ng bus companies na maghain ng mga dokumento para sa kanilang compliance sa Minimum Health Standards.

Maging ang LGU Bambang at Aritao, Nueva Vizcaya ay nakipag-ugnayan na rin sa LTFRB ngunit ang problema ay walang mga buses na direktang makakabiyahe sa lugar dahil wala pang prangkisa ang bus patungo doon.

Umaasa ang LTFRB na makabalik na sa byahe ang provincial buses ngayong buwan dahil malaki ang maitutulong ng mga ito sa mga biyahero na labas masok sa rehiyon para sa kanilang trabaho.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Director Edward Cabase ng LTFRB Region 2.