--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na tinututukan ng LTFRB Region 2 ang mga kolorum na sasakyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB Region 2, sinabi niya na araw araw ay mayroon silang isinasagawang operasyon sa mga lansangan sa Rehiyon.

Aniya kahit kakaunti ang kanilang enforcers ay pinipilit nilang abutin ang lahat ng sulok ng rehiyon upang matiyak na lahat ng mga tumatakbong pampublikong sasakyan ay sumusunod sa mga health protocols.

Mas naghihigpit sila sa mga borders upang mabantayan ang mga kolorum na sasakyan na nagsasakay ng mga taong papasok o palabas ng rehiyon na walang kaukulang dokumento.

--Ads--

Ayon kay Regional Director Cabase umaabot sa isa hanggang dalawang kolorum na sasakyan ang kanilang nasasabat kada linggo.

Pinakahuli aniya ang nasabat nilang isang kolorum van na galing sa lalawigan ng Cagayan patungong Maynila na nagsakay ng tatlong katao.

Wala umanong kaalam alam ang mga nasabing pasahero na kolorum ang kanilang sinasakyan at wala din silang kaukulang dokumento para makabyahe.

Ang modus ng mga may ari ng kolorum na sasakyan say naghahanap sila ng pasahero sa Facebook.

Sa pamamagitan ng paghikayat ng masasakyan ay makakakuha sila ng mga pasahero na ihahatid.

Walang kaukulang dokumento ang mga ito kaya nakakabahala dahil pa rin sa patuloy na kumakalat na Covid 19 sa lugar.

Hindi pare-pareho ang sinisingil ng mga may ari ng kolorum na sasakyan sa kanilang paghatid sa mga pasahero.

Mula nang maitimbre ang ganitong kalakaran sa pulisya ay nag iba sila ng paraan upang hindi mahuli.

Hinikayat naman ni Regional Director Cabase ang mga mamayan na nagbabalak na gumamit o mag arkila ng mga nasabing kolorum na van na huwag nang ituloy pa dahil mahigpit ang kanilang isinasagawang paghuli sa mga ito.

Aniya kung hindi naman kailangan o essential ang pakay ay huwag nang tumuloy upang makaiwas sa virus na Covid 19.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Director Edward Cabase ng LTFRB Region 2.