--Ads--

Nakatakdang magsagawa ng malawakang information drive ang Land Transportation Office (LTO) Alicia District Office kaugnay sa mga patakaran sa paggamit ng mga e-bike at e-trike, partikular na ang pagbabawal sa kanilang pagdaan sa mga pangunahing lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sebastian Casibang, Driving Skill Rater at Assistant Officer-in-Charge ng LTO Alicia, ang naturang hakbang ay isasagawa matapos ang kanilang ginagawang inspeksyon sa iba’t ibang bahagi ng bayan.

Pagkatapos ng inspeksyon, magpapatuloy ang ahensya sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko upang ipaliwanag ang umiiral na regulasyon laban sa paggamit ng e-bike at e-trike sa mga pangunahing kalsada.

Sinabi ni Casibang na sa kanilang pag-iikot ay wala pa naman silang nakikitang mga paglabag, subalit iginiit niya na kinakailangan pa ring magsagawa ng information drive upang mas maging aware ang lahat ng residente.

--Ads--

Aniya, mas mainam na maagap ang pagpapaalala upang maiwasan ang mga posibleng paglabag at aksidente sa hinaharap.

Dagdag pa niya, layunin ng information drive na ipabatid kung saan lamang maaaring bumiyahe ang mga e-bike at e-trike, pati na rin ang mga kaukulang parusa sa mga lalabag sa patakaran.

Bahagi rin umano ito ng kanilang inisyatibo na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, lalo na sa mga pangunahing lansangan na karaniwang dinaraanan ng mas mabilis at mabibigat na sasakyan.

Matatandaang noong January 2, 2026 ay naging epektibo na ang pag-impound sa mga e-bike at e-trike na mahuhuling bumibiyahe sa mga pangunahing lansangan. Ito ay alinsunod sa umiiral sa mga regulasyong ipinatutupad ng LTO kaugnay sa tamang paggamit ng mga light electric vehicles.

Samantala, nagpaalala naman si Casibang sa lahat ng mga driver na maging maingat sa pagmamaneho, sumunod sa mga batas-trapiko, at iwasan ang paggamit ng mga gadget habang nasa kalsada.

Hinimok din niya ang mga motorista na huwag magmaneho kung nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat.