Apat na katao ang naaresto ng pinagsamang puwersa ng Land Transportation Office o LTO at ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG dahil sa umano’y paggawa at pagbebenta ng pekeng license plates.
Ang operasyon ay isinagawa bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation na paigtingin ang kampanya laban sa mga scammers at mga gumagawa ng labag sa batas sa sektor ng transportasyon.
Ayon kay LTO Chief Atty. Greg Pua, natunton ang mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang kanilang Investigation and Intelligence Division. Agad nilang ikinasa ang operasyon kasama ang CIDG.
Nasamsam sa lugar ang mahigit 50 pekeng plaka, printing machines, cutting tools, at iba pang kagamitan na tinatayang nagkakahalaga ng ₱400,000.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1730 at Republic Act 4136 at kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG.





