CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng panibagong subastahan ang Land Transportation Office o LTO Cauayan sa mga na-impound na sasakyan sa ikalabintatlo ng Hulyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ginoong Deo Salud pinuno ng LTO Cauayan District Office sinabi niyang malaki ang diperensya ng mga presyo ng mga isusubastang sasakyan ngayon.
Aniya tinanggal na ang impounding fee at upa ng sasakyan habang ito ay nasa compound ng kanilang ahensya kaya bagsak presyo na ang mga ito.
Kinuha nila ang serbisyo ng mga ekspertong mekaniko para matukoy ang totoong halaga ng mga sasakyan.
Sa kabuuan ay magsusubasta ang opisina ng dalawang daan at labing anim na single na motorsiklo, labing tatlong motorsiklo na may side car at dalawang four wheels.
Isang araw lamang ang gagawing subasta at umaasa siya na sapat na ito upang mabili ang mga unit.
Maliban sa lunsod ng Cauayan, ay gaganapin din ang bidding sa iba pang tanggapan ng LTO sa rehiyon.