
CAUAYAN CITY – Wala pa ring pasok ang mga pinuno at kawani ng Land Transportation Office (LTO) region 2 sa Lunes, May 4, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Manny Baricaua, administrative officer ng LTO region 2, sinabi niya na hihintayin nila ang pasya ng kanilang pamunuan kung kailan sila muling papasok.
May skeletal force sa mga tanggapan ng LTO ngunit magseset up pa lamang sila para sa maayos na serbisyo na tugma at naaayon sa protocol ng new normal.
Samantala, nilinaw ni Ginoong Baricaua na ang mga hindi nakapag-renew ng rehistro ng sasakyan at driver’s license simula noong March 16, 2020 hanggang ngayon ay mabibigyan ng hanggang June 2020 para makapag-renew.
Ang mga hindi nakarenew mula Enero hanggang Pebrero 2020 ay huhulihin dahil nabigyan sila noon ng pagkakataon para makapag-renew ng lisensiya at rehistro ng sasakyan.
Ayon kay Ginoong Baricaua, mayroon nang inaayos na guidelines hinggil sa pagpaparehistro ng mga sasakyan para hindi dumagsa ang mga tao sa mga district offices ng LTO.
Kabilang dito ang extensiyon ng mga expired na rehistro ng sasakyan sa March at April ay mayroon silang pagkakataon hanggang katapusan ng June 2020.
Sa lisensiya ay may panukalang sususpindihin ang pagbibigay ng student permit at pagkuha ng bagong lisensiya.
May limitadong bilang ang mga puwedeng magkaroon ng transaction sa LTO bawat araw.










