--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtatag ng Malasakit Help Desk sa tatlong lugar ang mga kasapi ng Land Transportation Office (LTO) region 2 sa mga lansangan bilang bahagi ng Oplan Undas Ligtas Biyahe 2019.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Administrative Officer Manny Baricaua ng LTO region 2 na makakatuwang sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng Oplan Undas Ligtas Biyahe 2019.

Inihayag ni Ginoong Baricaua na nakakalat na sa mga istratehikong lugar ang kanilang Malasakit Help Desk pangunahin na sa Bagabag, Nueva Vizcaya; Lunsod ng Santiago sa Isabela at Lunsod ng Tuguegarao sa Cagayan.

Sa tatlong lalawigan lamang sila nagtalaga ng kanilang Malasakit Help Desk dahil kakaunti lamang ang kanilang mga empleyado.

--Ads--

Bukod dito ay kasama rin sila ng PDEA na nagsagawa ng UndaSpot surprise drug test sa mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan.

Masaya sila dahil sa 100 driver ng mga pampasaherong bus na isinailalim sa drug test ay walang nagpositibo.

Isinagawa nila ang drug test sa mga malalaking terminal ng pampasaherong bus sa Lunsod ng Tuguegarao.

Ang tinig ni Ginoong Manny Baricaua ng LTO region 2