CAUAYAN CITY – Pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpaparehistro ng mga sasakyan at pagrenew ng lisensya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Manny Baricaua, Administrative Officer ng LTO Region 2, sinabi niya na sa muling pagbubukas ng kanilang tanggapan ay palalawigin ng 60-araw ang pagpaparehistro sa mga sasakyan gayundin sa pagrenew ng lisensya.
Gayunman, ang sakop lamang nito ay ang mga hindi nakapagparehistro noong March 16 hanggang sa pagbubukas ng kanilang tanggapan.
Magsisimula ang pagbibilang ng extention kapag nagbukas at nagsimula ng tumanggap ng transaksyon ang kanilang opisina.
Pagkatapos ng 60-araw at hindi pa rin nakapagparehistro ay maikukunsiderang expired na ang kanilang lisensya.
Dagdag pa ni G. Baricaua na ang pangunahing sakop nito ay mga sasakyang ang sumusunod sa huling numero ng plaka ay 7, 8, 9, at 0 dahil sila ang mga naapektuhan nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ang mga may second to the last number naman na 1,2,3 na hindi nakapagparehistro ay mayroong penalty dahil unang linggo pa lamang ng Marso ay dapat nakapagparehistro na sila gayundin ang 4,5,6 dahil sila ang naka-schedule ng ikalawang linggo ng Marso.
Ayon pa kay G. Baricaua, sa mga kukuha ng student permit ay papayagan na rin subalit pinayuhan niya ang mga nagbabalak na kumuha na palipasin na lamang ang usapin sa coronavirus disease (COVID-19) para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Samantala, inihayag pa ni G. Baricaua na patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa lahat ng kanilang tanggapan para maiwasan ang COVID-19.
Aniya, sa kanilang mga tanggapan ay mayroong washing station, alcohol, foot bath at thermal scanner.
Mahigpit din ang pagpatupad ng “No Face Mask, No Entry”, “No Transaction No, Entry Policy”, gayundin ang “No visitors allowed” sa kanilang opisina hanggat hindi pa natatapos ang usapin sa COVID-19.











