Hinihintay pa ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 ang pinal na direktiba ng Central Office hinggil sa panghuhuli sa mga gumagamit ng light electric vehicle o mga e-trike sa Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Venancio Tuddao ng LTO- Region 2, sinabi nitong wala pang pinal na direktiba mula sa Central Office hinggil sa panghuhuli sa mga nasabing mga sasakyan.
Kaya naman ipagpapatuloy na lamang ng naturang hanay ang information dissemination habang hinihintay ang direktiba mula sa Central Office.
Ayon pa kay Tuddao, walang gagawing panghuhuli sa mga lansangan ang ahensya kundi sisitahin lamang ang mga gumagamit ng mga LEVs sa national highway dahil mapanganib ang mga ito dahil mga slow vehicles.
Tungkulin din aniya ng lokal na pamahalaan na magtalaga ng daanana gaya ng bike lanes para daanan ng mga LEVs na bumabaybay sa mga lansangan.
Giit pa nito, sakaling magbaba ng direktiba ang Central Office ay agad itong ipapaalam sa publiko.











