
CAUAYAN CITY Tinatayang umabot sa 30 na colorum na van na nagsasakay ng mga pasahero papunta sa Metro Manila at nagsasakay din ng mga pauwi sa Lambak ng Cagayan ang nahuli ng Land Transportation Office (LTO) region 2 mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Asst Regional Director Manny Baricaua ng LTO region 2 na ipinatupad nila ang moratorium sa biyahe ng mga van at bus papasok at palabas sa region 2.
Gayunman, sa kabila ang pagbabawal sa biyahe ng mga pampasaherong sasakyan ay may mga colorum na van at SUV ang nag-aalok ng biyahe ng mga pasahero papuntang Metro Manila gayundin ng mga galing doon pauwi sa ikalawang rehiyon.
May nakakalusot aniya na matatapang na naglalathala sa social media ng kanilang biyahe.
Ayon kay Asst Regional Director Baricaua, may mga nakakalusot na colorum na van ngunit kapag nahuli ay iniimpound ang mga ito at pinagmumulta ang may-ari ng sasakyan.
Sa van ay 200,000 pesos ng multa habang sa bus ay 1 million pesos.
May due process naman na ibinibigay ang LTO region 2 sa may-ari ng sasakyan at binibigyan ng limang araw na magbigay ng written protest.
Patuloy ang kampanya ng LTO region 2 kontra sa mga colorum na van at naglalagay sila ng mga sinages na humihimok sa publiko na huwag tangkilin ang mga colorum na sasakyan.