CAUAYAN CITY – Patuloy ang panghuhuli ng Land Transportation Office (LTO) sa mga hindi awtorisadong gumagamit ng sirena at blinkers kasunod ng naging kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na bawal sa mga government officials ang mga blinkers at sirena.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Manuel Baricaua ng LTO Region 2 na katunayan noon pang 1973 ay mayroon nang batas sa bansa na ipinagbabawal ang paggamit ng sirena at blinkers lalo na sa mga hindi awtorisado.
Ang Presidential Decree 96 aniya ay hindi pa naman narevoke kaya tuluy-tuloy ang panghuhuli nila sa mga hindi awtorisadong gumagamit ng blinkers at sirena.
Kadalasan sa mga nahuhuli nila ay ang paggamit ng hindi awtorisadong busina o ang mga maiingay na busina at wala naman silang nakikita na gumagamit ng hindi awtorisadong blinkers.
Karamihan sa mga nahuhuli nilang hindi awtorisadong gumagamit ng busina ay private individuals.
Ayon kay Regional Director Baricaua, ang mga awtorisado lang na gumamit ng blinkers at sirena na nakapaloob sa Presidential Decree 96 ay ambulansya, firetrucks, pulis, LTO at iba pang law enforcement agencies.
Ang ibang indibiduwal maging ang mga government officials ay hindi awtorisadong gumamit.
Patuloy naman ang kanilang kampanya at information and education campaign para maipaalam sa mga mamamayan na ipinagbabawal ang paggamit ng sirena at blinkers sa mga hindi awtorisadong indibiduwal.
Tinig ni Regional Director Manuel Baricaua.