May paalala ang LTO Roxas sa mga motoristang hindi pa rin nakakakuha ng kanilang plaka bago ang itinakdang deadline ngayong buwan ng Oktubre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Florentino Dela Cruz ng LTO Roxas, sinabi niyang inilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang isang memorandum na nagbabawal sa paggamit ng mga improvised at temporary plates na walang kaukulang pahintulot.
Aniya, alinsunod sa memorandum, pinapayagan pa rin ang pagpapagawa ng temporary plate ng mga motoristang wala pang opisyal na plaka base sa kanilang LTO tracker, ngunit kinakailangan munang humingi ng authorization mula sa LTO.
Ayon kay Chief Dela Cruz, sa ibibigay na authorization, dapat sundin ng motorista ang panuntunang ilagay ang katagang “IMPROVISED PLATE” sa ibabang bahagi ng temporary plate upang maipakita na ito ay pansamantala at may pahintulot.
Babala niya, ang mga motoristang mahuhuling gumagamit ng improvised plate na walang pahintulot o authorization mula sa LTO ay papatawan ng kaukulang multa.
Pinapaalalahanan din ng LTO Roxas ang mga motorista na makipag-ugnayan sa dealership kung saan nila binili ang kanilang sasakyan. Alinsunod sa patakaran ng LTO, ang mga dealership ang siyang inaatasang kumuha ng mga plaka ng kanilang mga kliyente sa LTO at sila rin ang responsable sa pamamahagi nito.
May mga pagkakataon umano na may record na ng plaka sa LTO tracker, ngunit wala pa ito sa dealership. Kaya’t mahalagang ang mismong may-ari ng sasakyan ang siyang mag-monitor nito. Sa pamamagitan ng LTO tracker, may opsyon ang motorista kung nais niya itong i-pick up o ipa-deliver.
Sa ngayon, ubos na ang backlog ng mga plaka, ngunit aminado ang LTO Roxas na marami pa silang kailangang maipamahagi sa mga motorista.











