Idinulog ng pamunuan ng Luna National High School ang kanilang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan para sa mga estudyante.
Dahil sa kakulangan ng classrooms, nagsisiksikan ang mga mag-aaral at lumalampas sa required number of students sa bawat silid-aralan.
Maliban sa silid-aralan, inamin ng pamunuan ng Luna National High School na kulang at hindi rin sapat ang kasalukuyang multi-purpose hall para sa lumalaking populasyon ng mga estudyante.
Samantala, inihayag ni Vice Governor Kiko Dy na malaki ang pondong inilaan ng national government para sa Department of Education. Kaya naman inirekomenda niya ang paggawa ng isang endorsement, sa pangunguna ng LGU Luna, para maisama ang proyekto sa mga prayoridad. Gayundin, pag-aaralan din ang paglalaan ng pondo para sa karagdagang multi-purpose hall.
Samantala, inaasahan na magkakaroon ng panibagong mga silid-aralan ang ilang eskwelahan sa Bayan ng Luna, na may pondong P46 milyon mula sa Kagawaran ng Edukasyon. Ayon kay Mayor Adrian Leandro Tio, ang proyekto ay nakatakdang isailalim sa bidding batay sa patakaran ng DPWH.











