Nagsimula nang mag-deploy ng mga personnel ang Luna Police Station sa mga strategic areas sa bayan ng Luna para sa Semana Santa at Ligtas SumVac 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi niya na ngayong araw pa lamang ay nakakalat na ang mga kapulisan sa mga national highway na kanilang nasasakupan maging ang motorist assistance desk na aassiste sa mga biyahero.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga kapulisan sa barangay pangunahin na ang mga nakakasakop sa mga ilog na inaasahang dadagsain ng mga residente at lokal na turista nang sa ganoon ay maiwasan ang insidente ng pagkalunod.
Katuwang ng PNP Luna sa pagbabantay ang Rescue, BFP at RHU sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko ngayong Semana Santa.
Maliban dito ay mayroon ding mga anti-criminality checkpoints na itinalaga sa mga boundaries ng Luna nang sa ganoon ay mapaalalahanan ang mga motorista at matiyak na walang makakapag-puslit ng kontrabando sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay PMaj. Ramos, kung ikukumpara noong nakaraang taon ay mayroong pagbaba sa bilang ng mga vehicular accidents sa bayan ng Luna na bunga ng mga ginawa nilang hakang upang maiwasan ang aksidente sa daan.






